Friday, November 9, 2012

Hindi 'yun totoo, ako ang totoo


          Nagmamadali at ‘di magkanda-ugaga sa paglakad na patakbo sa iskinita papunta sa aming bahay. Malakas ang kaba sa dibdib sa galit, nanlilisik ang mga mata, hindi pinapansin ang sinumang madaanan. Papalapit sa garahe, isang lalaki ang nasalubong ko na siguradong nanggaling sa aming bahay at alam kong siya ay kanyang kaibigan. Tumigil siya sa paglakad nang makita niya ako. Hindi pa man ako nagsasalita pero nakuha niya na kaagad ang tanong ng aking mga mata.

“O-Oo, a-andun silang dalawa, nakita ko sila, magkahawak ng kamay at nakasandal pa nga sa balikat si …”

Hindi na nya nabanggit ang pangalan pero parang alam ko na kung sino ‘yon. Hindi agad ako nakakilos, saglit pang nawala ang aking hininga, parang nawala ako sa sarili at hindi ko na alam ang susunod kong gagawin. Napansin ko na lang na dumaan na sa aking harapan at naglakad na papalayo ng bahay ang lalaking iyon na parang nakatingin parin sa akin.

Bigla na lang akong humakbang ulit patungo sa bahay. Laking gulat ko nang may makita akong nagsusuot ng tsinelas at papalabas naman ng bahay, ang babaeng iyon, ang tinutukoy ng lalaking kausap ko kanina. Bumagal ang kanyang pagkilos at napatingin sa akin. Nakapanloloko ang kanyang mga tingin na tila nangaasar tinuloy niya ang paglabas ng bahay at nakangiti pa sa akin. Lalong bumilis ang tibok ng aking mga puso sa kaba at takot,, sa sakit ng dibdib sa lungkot. Bigla ko siyang sinugod, dinamba ang ulo at hinatak ang buhok.

 “Malandi ka, lumayas ka dito! Malandi ka ‘di ka na nahiya! Umalis ka dito!! Umalis ka dito!!”

Tinulak ko siya papalabas ng gate, pero nakangiti parin siyang inayos ang kanyang buhok na parang lalake sa iksi, inayos din ang nalihis na porma ng kanyang hapit na t-shirt at maiksing palda. Hindi ko na tinignan ang paglabas niya, dali-dali akong dumiretso papasok ng bahay, tinulak pabukas ang pintuang hindi pa masyadong naisara ng babae kanina, sa lakas ay humampas ito sa pader sa gilid ng pintuan.

Pero ang bumungad lamang sa akin ay ang nagtatakang mukha ng aking kasintahan. Dahil nag-uumapaw ang galit at sakit na aking nararamdaman, mabigat ang aking katawan at bigla na lang napaupo sa sahig. Ang aking kasintahan ay dali-dali namang lumapit sa akin at sinikap na ako’y masalo at mayakap. Walang tigil na luha ang lumabas sa aking mga mata, habang hinahampas ang aking dibdib para pigilan ang makirot kong paghinga. Pinipilit kong alisin ang kanyang pagkakayakap sa akin, hindi siya nagsasalita kaya ako na lang ang nagumpisa ng mga sasabihin. 

“Bakit? Bakit mo ko ginaganito.. bakit mo ako niloloko? Bakit ka bumabalik sa kanya?

Patuloy parin ang aking pag-iyak, puro pagtatanong lang aking aking nasasabi.

“ Iiwan mo na ba ako? Sasama ka na ba sa kanya? Siya na ba ulit ang mahal mo at hindi na ako?”

 Nanginginig ang aking boses habang patuloy akong nagsasalita at umiiyak. Hindi parin siya nagsasalita na tila nakikinig lang sa akin at tinatanggap lang ang lahat ng malalakas kong pagsigaw. Niyakap lamang niya ako ng mas mahigpit at ako parin ang muling nagsalita.

“Huwag mo akong iiwan, pakiusap ‘wag kang sasama sa kanya, ikamamatay ko kapag nawala ka, hindi ko kakayanin.. hindi ko kakayanin ..”

Patuloy parin ang aking pagtangis, niyakap ko din siya ng mahigpit – mahigpit na mahigpit. Ayaw ko nang kumawala dito, dinarama ang mas mainit niyang katawan, habang kaniyang hinalikan ang aking ulo na parang ang gusto niyang sabihin at ipaintindi sa akin ay tumahan na ako. Pero patuloy parin akong umiiyak.. hindi tumitigil ang aking pagluha.. kasama ang aking buong katawan .. walang tigil sa pagtangis ..

 

 

****

“Kuletkoh.. kuletkoh .. gising .. gising ..” Ang narinig kong boses na siyang nagpabalik ng aking ulirat.

“Umiiyak ka kuletkoh, bakit? Ano bang napanaginipan mo?” sambit niyang muli.

“Haa? Umiiyak ba ko?”

Hinimas ko ang aking mga mata, may luha, umiiyak nga ako.. tunay nga ang mga luha ko.. halos mapuno na ng basa ang aking unan.

“Haaay” buntong hininga niya.

“Ang pangit ng panaginip ko kuletkoh, kakabadtrip, ayoko na nung isipin”

Tapos ay bigla ko siyang niyakap at tiniyak na panaginip ko lang ang lahat. Dimama ko ang init ng kanyang yakap na para lamang sa akin.

“Ikaw talaga kuletkoh, tulog na nga tayo ulit.. andito lang ako sa tabi mo, hindi kita iiwan, sa’yo lang ako, kung anu man ang panaginip mo na yun, hindi yun totoo, ako ang totoo at nandito ako sa tabi mo”

          Nagliwanag ang aking paningin at gumaan ang pakiramdam sa mga salitang kanyang binitiwan. Pagtitiyak na ako lamang ang mahal niya at hindi niya ako iiwan. Pumikit na akong muli para ihanda ang sarili sa muling pagtulog, habang nakayakap parin sa kanya, nakakiskis ang aking paa sa mabalbon niyang binti, patuloy kong hinihimas sa kanyang braso ang aking mga kamay, hanggang sa dapuan na muli ako ng antok at makatulog. Tama, hindi totoo ang panaginip na yun.

 

 

 

3 comments:

pahingi naman ng komento :)

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Bawal mangopya !

MyFreeCopyright.com Registered & Protected

Receive All Free Updates Via Facebook.