Napakalakas ng hangin, humahampas sa katawan at halos tangayin ka na sa sobrang lakas. Sabayan pa ng nakapangnginginig na lamig nito dahil sa ulan na bumubuhos kasabay ng hangin. Ang sarap matulog kapag ganitong tag-ulan at napakalamig.
Kapag ganito ang panahon marami rin akong naaalalang mga pagkakataon. Kapag tag-ulan kasi sumasakto enrollment na, pasukan. Naaalala ko tuloy nung nag-aaral pa ’ko. Kapag umuulan kahit may payong pa akong dala e tiyak na mababasa parin ako ng sobra. Pwede na ngang pigain ang laylayan ng paldang uniporme ko. Masaya kapag suspended ang klase dahil signal no.1 na ang bagyo. Hindi muna kami uuwi ng mga kakalase ko, pupunta muna sa mall. Doon kami magvi-videoke, kantahan to-da-max, maglalaro at magkukwentuhan. Kapag merong mapera, foodtrip naman. Kapag napagod na, saka pa lang uuwi sa kanya-kanyang bahay. Grabe, nakaka-miss mag-aral.
Mayroon ding mga favorite moments ko noon kapag tag-ulan. Naalala ko nung first year college ako. Yung kauna-unahang taong nagpakilig sakin sa ilalim ng napakalakas na ulan at napakalamig na hangin. Ang unang naging bestfriend ko na lalaki. Si Maqui, na tinatawag ko noon na “boo”, tawag naman niya sakin e “doo”. Ang weird nga e, yung boo kasi may meaning, yung doo, ewan ko sa kanya. Ah basta, naalala ko kasi noon, dahil mag-bestfriend kami madalas kami sabay umuwi. Siyempre kapag umuulan share kami parati sa payong na gamit, habang siya naka-akbay sa’kin. Napaka-sweet namin tignan noon. Habang ako, halos maihi na sa kilig at sa sobrang lamig. Dahil iisa lang ang payong na gamit, panigurado basa parin kami pareho. Pero ayos lang basta masya kaming magkasama. Kahit siya parati ang nauunang bumaba ng dyip, kasi sa North Faieview lang siya nakatira, e ako sa Manggahan pa, mas malayo kapag galing ng school, sa Novaliches. Kapag nakarating na ‘ko sa bahay maalala ko ulit ‘yung mga moments bago kami maghiwalay. Kikiligin ako ulit at ‘di makapaghintay na magkita kami ulit sa kinabukasan.
Masarap lang alalahanin. Siyempre, bahagi parin siya ng nakaraan ko. Kahit nagkaroon kami ng matinding hindi pagkakaunawaan noon. Mabuti na lang at naging maayos narin kami bago kami naka-graduate ng college.
Namimiss ko na nga rin siya paminsan-minsan e, miss ko na ang bestfriend ko “dati”, kasi hindi na ngayon. Pati pagiging magbestfriend namin nawala na dahil sa mga pangyayari. Pero ayos lang, basta alam ko magkaibigan parin kami ngayon. Hindi na nga lang close katulad ng dati. May sarili na siyang buhay, may girlfriend na nga siya, matagal na. Mukhang ‘yon na ang mapapangasawa niya kasi sabi niya, wala na daw siyang balak pang maghanap pa ng iba. Kaya naman masaya ako para sa kanya, sana patuloy pa siyang maging masaya kasama ang magiging sariling pamilya niya.
Hindi ko nga alam kung bakit biglang siya ang naging topic ko ngayong araw e. Naalala ko lang kasi. Ang title nga nitong blog ko na “Ang mga Talata”, nalala ko rin na kapareho ng title ng kantang ginawa ko noon na ako mismo ang nag-compose para sa kanya. May konting pagkakaiba kasi “Talata” lang pala ang pamagat ng kanta ko na ‘yon. Tinutugtog ko parin at kinakanta paminsan-minsan. Kaya naaalala ko siya. ‘Di ko naman na kasi siya makakalimutan. Minsan ko paring maaalala ang mga pagkakataon na kasama siya. Mula sa pagiging matalik na magkaibigan, matamis na pagmamahalan, at sa pagiging ordinaryong magkaibigan na lang ulit.
Gaya nga ng sabi ko sa kanya dati, salamat sa kanya at dumating siya sa buhay ko, siya ang nagpakilala sa’kin ng unang pagmamahal. Kung wala siguro siya e hindi ako natuto sa mga pagkakamali na nagawa ko, na dapat ay hindi ko na ulitin, para hindi na ako iwan ulit ng mahal ko.