Friday, February 3, 2017

Wala na ang simula


Tula,
Saan ako magsisimula
Sa wakas ba na wala ng bukas?
O sa simulang wala ng mga bakas?

O sige sa simula.
Ako'y iyong naapuhap sa isang madilim na kalagayan
Ngunit wika mo ri'y ako'y magandang bulaklak
na iyong natagpuan
Hindo mo ako basta pinitas nung ako'y iyong magustuhan
Sa halip ako ay diniligan at iyong inalagaan.

Mahigit apat na taon
Masaya naman tayo noon,
Natural na may away at mga problemang pinagdaanan
Ngunit hindi tayo bumitiw, kahit gaano kahirap at kabigat
Patuloy mo akong niyakap, at patuloy akong naniwala
Nagtiwala sa magaganda mong pamagat.

Ngunit eto tayo sa dulo,
Dunggot na aking kinatatakutan
Hindi mo na natiis ang mga hirap na aking pasan
Tuluyan ka na ngang nagsawa, nawalan ng gana,
Natakot dahil hindi mo ako lubusang mahawakan
Natakot ka na baka hindi ka na sumaya,
Dahil pakiwari mo hindi tayo uubra.

Bakit nga ba?
Akala ko ba tunay ka, at plano mo akong samahan
Hanggang sa huling hininga ng iyong buhay?
Kaya ka nga nagtanong, sa tuktok ng bundok
Sa bundok ng Pulag, bitbit ang iyong karatula
Kasabwat ang aking mga kapatid,
Na tila naging isang banda sa pag-awit
Magkaron lang ng magandang musika sa ating paligid.

Ano nga ang iyong tanong?
Na ang totoo ay hindi malinaw sa akin noon.
Tama, tanong mo nga kung nais ba kitang pakasalan.
Nilabas mo rin ang singsing na gusto mong isuot sa akin.
Nakatanaw lahat ng tao sa ating nakapalibot.
Mga kapatid ko, kanilang mga nobyo.
Mga taong dayuhan na hindi ko batid kung sino
Nakikitili, nakikipalakpak, nakikibahagi
Sa kasiyan na para sa akin, para sa atin.

Sinuot ko ang singsing, hindi ba?
Tugon sa iyong tanong,
Dahil malamang, matagal ko ng hinihintay ang pagkakataong iyon.
Nais kitang pakasalan. Tunay, dahil iyon na lamang ang ating kailangan.
Dahil paniwala ko tayo na para sa isa't isa.
Sinubok na tayo ng panahon, malayo na ang ating narating
At wala ng makapaghihiwalay sa atin.

Mali pala ako?
Ako lang pala talaga ang nag-iisip at naniniwala roon.
Palabas lamang pala lahat ng iyon.
Sinubukan, pinagbigyan mo lang pala ang aking pantasya.
Hindi pala totoo ang lahat ng iyon.
Pinahiram mo lang pala sa akin ang iyong mga pangako.
Sinubukan mo lang palang iparamdam
Kung gaanong kaligayahan ang ating mararamdaman.
At gaano kasaya ang mapangakuan.

Ganyan ka pala?
Ayaw mo pala talaga ng hirap.
Tinapon mo lahat ng ating pangarap.
Ang magagandang simula na mayroon tayo,
Ang bawat gitna na masaya at malungkot.
Na ating naaayos kahit masalimuot.
Dahil sa wakas, binigyan mo na tayo ng wakas.

Narito na nga tayo sa wakas.
Dahil tapos na ang lahat.
Nais mong ayusin ang buhay mo
Para ayusin ko din ang buhay ko.
Pinalaya mo ako dahil gusto mong palayain kita.
Para makapili ako ng mas karapat-dapat
At para makatagpo ka ng mas kaaya-aya
Yung uubra sa iyo, yung magbibigay sa iyo ng ligaya
Yung puro ligaya lang,
Baka sakali muli sa simula

Gusto mong magsimula ulit.
Ngunit sa iba na, sa isang kaibigan,
Matagal mo na pala syang nais
Hindi ko napansin, hindi ko batid.
Bulag-bulagan.
Akala ko kasi lahat ng sakripisyo mo totoo.
Nagpanggap ka lang pala.
Pinaubra mo lang pala.
Kung ganon, yan din ba ang iyong gagawin ngayon?
Dahil hindi tayo nagtagumpay,
May nahanap kang iba na sisirain ulit ang buhay?

Haaaay, hindi na kita kilala.
Ibang-iba ka na.
O sadyang maswerte ako sapagkat
Hindi pa huli ang lahat,
Nakilala ko na kasi ang tunay na kulay ng iyong balat.

Kung ganoo'y salamat.
Salamat sa lahat ng masasayang pagmamahal
Kung lahat man iyo'y pagpapanggap ay salamat.
Dahil naramdaman ko parin naman, kaya salamat.
Sapagkat maaari na akong gumawa ng isang alamat
Alamat ng isang babaeng natagpuan,
Pinasaya, niyakap, pinangakuan,
Pinanghawakan, ngunit di rin nagtagal ay iniwan.
Isang masalimuot na alamat.

Hindi ko ito makakalimutan,
Kaya maraming salamat.

No comments:

Post a Comment

pahingi naman ng komento :)

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Bawal mangopya !

MyFreeCopyright.com Registered & Protected

Receive All Free Updates Via Facebook.