Nasubukan mo na bang kumain ng fried chicken? Ng lechong baboy? Ng kalderetang baka? Pinakbet na gulay? Maaning sa sarap ng mga hamon? Ng sinigang na sugpo? Ng sarsiyadong bangus? At ng kung anu-ano pang masasarap na putahe at ulam? Eh nakatikim ka na ba ng adobong kanin?
Siguro nagtataka kayo ano? Kasi si Mang Ising madalas kainin iyon noon. Ang sarap daw kaya, minsan nga naging favorite pa nga 'yon. E pa'no ba naman madalas nilang kainin 'yon. Nila? Oo silang magkakapatid noon, minsan na lang ngayon,kapag trip na lang daw nila. Noon parati talaga. Nangyayari 'yon kapag wala silang ulam, sinaing na kanin tapos lalagyan ng toyo,konting paghalo,tapos adobong kanin na! Nakakatawa na nakakaawa silang pagmasdan. Kapag gipit ganoon talaga ang nangyayari. Ang totoo pinag-isipan ko nga muna bago ko napapayag si mang Ising na ipost ito ngayon e. Kasi kung iisipin, parang nakakaloko, at saka hindi alam yun ng marami niyang mga kaibigan, ng mga nakakakilala sa kanya, na ganoon ang hapunan nila sa bahay, minsan buong araw na iyon ang nakahain sa hapag kainan. E sa iyon lang ang available, kesa naman hindi sila kumain di ba?
Pero naiinis siya kapag ganoon parati. Naiiyak na lang siya minsan kapag nakikita niya ang mga kapatid niya na ganoon lang ang kinakain. Sa totoo lang suwerte pa nga kapag maraming kanin at kapag may toyo pa sila. Kasi kapag wala na at konti lang ang bigas, lugaw na lang ang lulutuin. Ayos na 'yon pang laman ng tiyan. Dumarating talaga ang mga puntong iyon, dahil mahirap lang ang pamilya nila. Maraming pagkakataon na nagugutom noon. Kumakalam ang tiyan na parang hindi makatotohanan sa kanila. Tipong walang-wala talaga. Totoong-totoo dahil ako ang saksing buhay nila.
Ayaw na niya maranasan ulit 'yon Nasasaktan kasi ang puso niya tuwing nakikita na dinadanas ng mga kapatid niya ang ganoong paghihirap. Umiiyak kasi walang makain. Naiinggit sa mga kapit-bahay na sagana ang pagkain at puro masasarap ang nakahain at ‘di tulad nila… hamak na adobong kanin lamang ang laman ng tiyan. Kaya naman dahil sa mga pangyayaring iyon ay nagsikap siyang makatapos ng pagaaral. Tinapos ang Bachelor’s Degree sa kolehiyo. Para matulungan ang mga magulang, lalo na ang kanilang Ina sa pagtataguyod ng kanilang pamilya. Ngayon ay pinipillit at pinagiibayuhan na maigapang at maiahon sa kahirapan ang pamilya. Tumutulong na makatapos ang mga kapatid tulad niya. Pinagsisikapan na huwag nang maranasan ng mga kapatid niya ang magutom ulit. Para hindi na ulit maghain ng Adobong Kanin.
Salamat Mang Ising...
ReplyDeleteGood Job Lee...
ReplyDeletenaranasan ko nadin yan noon...
Kaya eto ako ngayon, striving for a better life...